Skip to main content
pasakalye
Mentioned in my first post here about an art first post appreciation class back in college. Well I found those pictures and posted them on flickr. Also found this thing that I wrote for the class about the trip. Totally didn't finish it. ;p
...
Alas kwatro ng madaling araw... nagising akong nanginginig sa ginaw ng umaga. Tahimik ang buong bahay. Walang maririnig kundi ang ingay ng aking mga paa. Tumalon ako pababa ng aking higaan, nag-iingat na hindi magising ng aking pagbagsak ang aking Lola na nasa ibabang kama. Nag-init ako ng tubig, naligo, at kumain ng dalawang pirasong pandesal na tira pa kahapon ng umaga... Nasanay na akong hindi kumain ng agahan bago umalis ng bahay, ngunit iba ang araw na ito... Malayo-layo din ang Quezon. Kailangang hindi gutumin sa mahabang biyahe. Maya-maya pa'y nakagayak na ako at palabas na sa pintuan, isinara at tuloy-tuloy na lumabas ng bakuran...
...
Madilim pa ng aking tinahak ang daan patungong sakayan... Ang mga bituin lamang ang nagsisilbing ilaw sa malamlam na daan. Tahimik at payapa... Marahil ay mahimbing pa'ng nagsisitulog ang mga taong maya-maya lamang ay pupuno na sa daan.
...
Sumakay ako ng dyip paluwas ng Maynila. Ipinaabot ang bayad sa katabing mamikit-mikit pa ang mga mata, bakas pa sa mukha ang antok, halatang nais pa sanang ituloy ang nabiting tulog. Ilang sandali pa ay nagsimula ng umusad ang dyip at dahan-dahang naramdaman ang ihip ng hangin sa labas... Nagsimula na ang umaga...
...
Papasikat na ang araw ng ako'y dumating sa pinagkasunduang lugar. Marami-rami na ring tao ang doo'y aking naabutan. Tulad ko, sila rin ay mga estudyante ng unibersidad. Unti-unting nagliwanag ang paligid. Isa-isang hinagkan ng init ng araw ang mga dahon ng bukang liwayway.
...
Ilang sandali pa ay dumating na ang dalawang bus na aming sasakyan. Sumakay na ang lahat at kami'y tumulak na sa aming patutunguhan...
...
Tahimik ang buong biyahe. Marahil ay dahil wala pa akong masyado kilala sa aking mga kasama. Walang masyadong mapagkwentuhan kundi ang aming natatanging dahilan ng pagsadya sa lugar na ito.
...
Ilan sandali pa ay nakarating na kami sa aming unang patutunguhan. Inilabas ko na ang aking dalang kamera at sumunod sa mga nauunang mga estudyante... Isang lumang simbahan ang bumati sa aking paningin pagbaba ng bus.
...
Tahimik akong naglakad papasok ng bakuran. hindi alintana ang mga taong kasabay sa paglalakad, tinitingnan ang buong paligid... matiyagang naghahanap ng bagay na kukunan.
...
Comments
Post a Comment